Ang una naming pinasukan ay ang gallery kung saan matatagpuan ang Spoliarium. Nagulat ako sa laki nito. Mas malaki pa saamin ang mga tao sa obra na iyon. Syempre naman, likha iyon ng Pilipino, talagang kahanga-hanga!
Marami pa kaming pinuntahang mga gallery doon kung saan maraming iba't ibang obra ang makikita. Mayroong mga painting na gawa ng mga pintor na Pilipino at maraming iba na unknown artist ang nakasulat sa tabi ng painting. Sa isang gallery na pinuntahan namin, maraming painting ang may isang misteryosong bilog sa langit. Hula namin, maaari itong isang UFO(Unidentified Flying Object) na nakikita ng mga tao noon sa langit kaya napapasama sa mga likha nila. Teorya lang naman iyon at masasabing kathang-isip lamang.
Mayroon ding mga gallery kung saan may mga sculpture at carvings na makikita. Napakaganda at nakahahalina ang mga ito! Parang totoong mga tao ang kaharap mo kapag tinignan mo sila. Sari-saring materyal ang mga ginamit sa paggawa ng mga iyon kagaya ng kahoy, marmol, plaster of paris, at iba pa. Pero may mga tanong kaming hindi naman namin nakuha ang kasagutan: bakit kaya ang karamihan sa mga carving sa isang gallery ay walang mga kamay o braso! Nakapagtataka subalit wala naman kaming nakuhang sagot pero ayos lang naman.
Nagtagal pa kami doon pero matapos naming pasukin ang lahat ng gallery na maaari naming pasukin, lumabas na rin kami. Pero syempre, dahil isa kaming masayang pangkat, hinding hindi mawawala ang mga pagkuha ng letrato na bunga ng kabaliwan!
Ito, masyado yatang seryoso ang larawang iyon! Mas masaya at baliw naman! Rock and Roll!
Diyan na natatapos ang aming pagpunta sa National Museum of the Philippines at ito na rin ang wakas ng aming mini field trip! Ang National Museum ay isang napakagandang lugar na puntahan lalo na sa mga taong tumatangkilik ng sining at nakahahanap ng kaligayahan at kapayapaan dito. Masasabi kong sulit ang pumunta dito dahil makikita mo ang mala-totoong mga obra na likha ng mga Pilipino Kahit sino, bata man o matanda, babae man o lalaki, Pilipino man o dayuhan, ay siguradong mamamangha at matutuwa kapag pumunta dito.
Sa kabuuan, ang naging bunga ng aming paglalakbay sa maraming lugar ay nagbigay saamin ng higit pang kaalaman sa iba't ibang larangan lalo na sa kasaysayan ng ating bansang sinilangan. Dapat nating bisitahin ang mga lugar na ito dahil ito ang mga lugar na mayroon tayo at dapat nating ipagmalaki, at hindi ang mga tanawin sa ibang bansa dahil mas mahalaga ang alam natin at pinagdaanan ng ating mga ninuno bago natin makuha ang ganap na kalayaan. Nakakahiya naman kung may dumating na dayuhan at nagtanong tungkol sa ating bansa at hindi natin masagot! Parang sinasabi na rin natin na hindi natin mahal ang pagiging Pilipino at wala na tayong pakialam sa ating bansa. Kapag pumunta kayo sa mga tanawin sa Pilipinas, hindi lang aral ang mapupulot natin kundi mga alaala na madadala natin saan man tayo pumunta.