Miyerkules, Enero 7, 2015

Rizal Park


Una kaming pumunta ng aming pangkat sa Rizal Park. Ang unang lokasyong pinuntahan namin doon ay ang napakalaking monumento ni Lapulapu na gawa sa brass.  Napakalaki nito at napakaganda ng pagkakagawa! 


Sumunod naman ay pumasok kami sa  The Orchidarium at doon nagsimula ang aming ganap na pagkatuto sa aming mini field trip.

 
Tickets!


Dito, natutunan namin na napakarami palang uri at klase ng orchids. Sa lugar na ito, nagpapadami sila ng mga ito at inaalagaan nang husto. May mga prosesong dinadaanan ang bawat binhi bago sumibol at maging isang ganap na halamang orchid. Ang bawat klase nito ay may iba't ibang sukat ng panahon bago tumubo. Ayon sa gumagabay saamin doon, ang cattleya ang pinakamaselan kaya ito ang mas pinagtutuunan ng pansin. Pinapasok kami sa isang green house kung saan naroon ang lahat ng mga maliliit na halaman palamang. Nakasalansan nang maayos at napakalinis ng lugar, nakakagaan ng loob.  Ang bawat halaman ay may sariling code upang malaman kung anong panahon ito inilipat sa paso at kung sino ang mga magulang na halaman nito. Nabanggit din saamin na hindi kailangan ng espesyal na edukasyon para makapagtrabaho bilang tagapag-alaga ng mga orchids, maaaring sumama lamang sa mga seminar, pero mas maganda parin daw na may kaalaman na sa pag-aalaga ng mga ito.

 



Pero syempre, ang aming pagdayo rito ay hindi maaalisan ng kasiyahan! Minsan lang maging bata!


Nagkuhanan din kami ng mga letrato at naranasan naming magpaka-The Beatles.


Nagpakamodelo na rin kami! Minsan lang ang ganitong karanasan!


Nagpunta rin kami sa Hanging Bridge kung saan nagtakutan kami sa pamamagitan ng pagtalon doon dahil gumagalaw ito at nakakatakot na baka bumigay at mahulog kami! 


Diyan natapos ang aming pagtigil sa The Orchidarium Masasabi kong isa itong napakagandang lugar at napakapayapa. Mararamdaman mong nasa kalikasan ka dahil sa napakaraming puna at halaman, at mayroon ding mga paruparo at mga tutubi na nagliliparan sa paligid. Sulit na sulit ang punta niyo dito kung maisipan niyo man na dayuhin ko. Pero ang masasabi ko lamang, subukan niyo nang pumunta kapag may bakanteng oras kayo dahil malapit lamang ito at madaling makita.




Ang sumunod ko namang ipapakitang lugar na matatagpuan sa Rizal Park ay ang Busts of Heroes. Sa totoo lamang, hindi kami nakapagtagal doon dahil tapat na tapat ang araw noon at napakainit kaya dumaan lamang kami at nagbasa ng mga pangalan at ang konting impormasyon tungkol sa bayaning iyon. Karamihan sa mga bayani ay natatandaan kong napag-aralan ko na dati sa ika-anim na baitang pero konting impormasyon nalang ang natatandaan ko sa kanila. Isa parin itong magandang atraksyon kung gusto mong makilala ang mga bayaning nakibahagi upang makamit natin ang kalayaan tinatamasa natin ngayon.



Ang sumunod at ang huling pinuntahan namin sa Rizal Park ay ang monumento kung saan nakalibing ang labi ng ating pambansang bayani. Isa itong napakagandang atraksyon na puntahan dahil sa napakayamang kasaysayan nito. Gusto ko lamang na ibahagi sa inyo ang ilang trivia. Una, ang labi ni Rizal ay unang inilibing sa Paco Park at inilipat nalamang sa Rizal Park makalipas ang panahon. Ikalawa, hindi talaga mga kastila ang pumatay sa ating pambansang bayani kundi mga Pilipino rin! Sila ay napag-utusan lamang ng mga kastilang patayin si Jose Rizal dahil kung hindi, sila naman ang papatayin.



Dito na nagtatapos ang aming pagbisita sa Rizal Park. Sa kabuuan, isa itong napakagandang lugar na maaaring puntahan ng kung sino man dahil siguradong magiging masaya kayo sa inyong pagbisita at marami pa kayong matututunan na bagay na maaaring hindi niyo pa nalalaman noon!



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento